Lunes, Setyembre 21, 2015

Japan, South Korea asensado kahit di marunong mag Inglis

By MORTZ C. ORTIGOZA

Naaliw akong basahin ang isang artikulo ng PhilStar.com kung saan nakipag buno ang mga guro  na maka wikang Filipino at maka Inglis sa Pambansang Kumperensiyang Pang¬wika ng Komisyon ng Wikang Filipino-Ikalawang Serye na ginanap sa Bayview Hotel, Manila kung ano ang dapat bigyan ng mas mahigit na pansin sa pagtuturo: Filipino ba o Inglis?

Sa  website ng Department of Education naka saad doon na ang Mother Tongue ang ituturo para mapa-igting ang “fluency” ng mga Grades 1 to 4, tapos ang Filipino at Inglis naman ang ituturo “as language of instruction” sa mga Grades 4 to 6 sa elementarya.

Sa hais-skul naman, ani ng DepEd, ang Filipino at Inglis ay “primary instruction” sa Junior High School at Senior High School.

Sabi ng mga maka Inglis, mahirap gamitin ang Filipino sa hais-skul kasi may mga paksa na gaya ng Science at Mathematics na kulang ang Filipino na termino sa mga gamit nito.

Ang mga maka Filipino naman ay nakipagtalo na bakit daw ang Japan, South Korea, Germany, at iba pang bansa na hindi naman sila marunong mag Inglis maganda naman ang mga buhay nila.

Ang Inglis, ayon sa isang participant, ay armas lang ng mga Pilipino pag sila ay nagtrabaho na domestic helpers at iba pang blue collar jobs sa ibang bansa.

 “Idinagdag pa ng isang guro, hindi batayan ng pag-unlad ang pagiging mahusay sa salitang ingles dahil pinatunayan na ito ng South Korea, Japan at iba pang bansa na mas minahal ang kanilang sariling wika kaysa maging magaling sa pagsasalita ng ingles. Aniya, naging maunlad ang kani-kanilang mga bansa kahit hindi sila magaling sa salitang Ingles kaya malinaw na hindi ang pagiging magaling sa Ingles ang magi¬ging batayan ng pag-unlad ng isang bansa," ani ng PhilStar.com.

Nilinaw din sa seminar na iyon ni Komisyon ng Wikang Filipino (KFW) chairman Jose Laderas Santos, hindi lamang sa buwan ng wika dapat ipakita ng taumbayan ang pagmamahal sa sariling wikang Filipino kundi sa araw-araw.

Siniguro din ni Chairman Santos ng KWF na handang tumulong ang komisyon sa DepEd sa pagsasalin sa Filipino ng module na gagamitin sa pagtuturo sa lahat ng asignatura sa pagpapatupad ng K to 12 system.

Ang Pananaw ko

Kahanga hanga ang alab ng damdamin ng mga maka Filipino pero sa akin mali ang argumentasyon nila.

Maganda ang buhay ng mga tao sa South Korea, Japan, at Germany hindi dahil sila ay hindi marunong mag Inglis kung hindi magaling ang bansa nilang gumawa ng trabaho para sa kanila.

Ang mga bansang ito ay industrialized countries kung saan gumagawa sila nga mga sasakyan, armas, computers, appliances, at iba pang mga gadgets para ibenta nila sa ibang bansa.

Ang iba sa bansang ito ay halos may 100 percent foreign ownership sa mga negosyo doon. Dahil diyan hindi nila masyadong pinuprublema ang kawalan ng trabaho dahil pinupunu-an iyon ng mga kapital ng mga dayuhan. Dahil sa mala dambuhalang industriya nila sila pa ay kumuha ng mga Pilipino na manggawa na marunong mag Inglis para makapasok sa mga trabaho roon.

Sa Pilipinas kabaliktaran ang nangyayari sa ekonomiya natin kumpara sa mga bansang sinabi ko kanina.

Walang masyadong pumapasok na industriya at trabaho dito dahil wala namang pumapasok na dayuhang kapitalista. Kaya libo-libong mga Pilipino ay walang mga trabaho. Ang iba sa atin, dahil marunong mag salita ng Inglis, ay nandoon sa ibang bansa na nagtatrabaho na ang iba sa kanila ay inaabuso ng mga amo nila.

Ang problema natin ay hindi dahil hindi tayo sanay sa salitang Filipino kung hindi ang economic policies at situation natin ang may butas. Dito pinagbabawal ng batas natin ang 100 percent foreign investment at ang sobrang mahal ng kuryente at mataas na pasueldo sa mga mangagawa natin. Dahil dito ay nahuhuli tayo sa asenso at pag hikayat ng trabaho kumpara sa mga karatig bansa natin sa South East Asia.

Ayon sa United Nations Conference on Trade and Development (UNCTAD) ang Pilipinas noong isang taon (2014) ay nakakapag papasok ng U.S $6.201-billion foreign direct investment (FDI) kumpara sa  $3.737 billion noong 2013.



Pero kung titingan natin ang FDI sa karatig bansa natin, malulula tayo. Ito sila: Vietnam ($9.2 billion in 2014 from $8.9 billion in 2013), Malaysia ($10.799 billion from $12.115 billion in 2013), Thailand ( $12.566 billion from $14.016 billion in 2013), Indonesia ($22.580 billion from $18.817 billion in2013), at Singapore ( $67.523 billion from $64.793 billion in 2013).

So, ano sa tingin ninyo hadlang ba ang pagtuturo ng Inglis sa pag asenso natin ayon sa mga taga DepED na maka Filipino?

(You can read my selected columns at http://mortzortigoza.blogspot.com and articles at P’nan Biggest News. You can send comments too at totomortz@yahoo.com)

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento