Miyerkules, Setyembre 4, 2024

Mga Gastusin sa Eleksyon, Saan Ipinamudmod ni Kandidato?


Ni Mortz C. Ortigoza, MPA

Habang papalapit na ang October 1 to 8, 2024 period ng filing ng certificate of candidacy (CoC) ng mga kandidato para sa pinaka-mataas na pusisyon ng Senador hanggang sa pinakamababang pusisyon ng municipal councilor at mga partylists, nakahuntahan ko ang isang beteranong dating alkalde ng isang first class town sa Pangasinan kung saan nagbigay siya ng mga tips paano manalo ang isang kandidato para sa karerang mayorship sa May 12, 2025 eleksyon.


Ito ang mga kaalaman na ibinigay niya sa writer na ito:

Una, dapat ang kandidato ay merong multi-milyones na pera dahil ang eleksyon sa Pilipinas ay nakabase sa kinang ng salapi na gagamitin magmula sa mga manghihingi ng painom sa barangay pag-umiikot ang kandidato hanggang sa bilihan ng boto isang lingo o ilang araw bago mag eleksyon.

Ikalawa, pag piyesta ng mga barangay dapat ilang linggo bago ito ganapin ang isang pulitiko ay dapat magbigay ng pera sa Kapitan o lider doon para sa pambili ng kambing o baboy para ipakain sa mga tao.

“Five thousand (P5,000) to ten thousand (P10,000) bibigyan mo ang Kapitan bibili ng kambing o baboy. Pero para kambing lang iyan. Iyong baboy kulang iyang P10,000.” saad ni Meyor.

Bahala na ang host sa fiesta sa mga rekado, softdrinks, at iba pa para sa handaan sa araw ng pagdiriwang. Ang importante may ambag ang kandidato para maisali ang pangalan niya sa usapan.

Ikatatlo, pagdalo sa mga kasal at lamay. Aniya dapat mayroong laman na pera ang sobre na ibinibigay niya sa mga namatayan at sa ikinakasal na nakadepende rin sa uri ng estado ng mag-asawa.

“Hindi. Depende sa leader kung kagawad o kapitan o kamag-anak five thousand to ten thousand (pesos)” aniya sa ikinakasal.

Limang pisong libo naman sa pamilya ng namatayan ang nabubunot niya sa bulsa niya para sa kanyang ambag.

Pag mass wedding na kung saan uso ito pag malapit na ang araw ng mga puso sa Pebrero 14 sa dambuhalang lalawigan ng Pangasinan, hindi baba sa 100 sa magkapares na ikinakasal ang binibigyan niya ng tag isang libo matapos niya silang ikasal.

Ang huling termino na maging alkalde sa Pangasinan ang source ko ay noong taong 2016-2019.

Ikaapat, sa mga may sakit at biglang nag-abot ng resibo sa kanya habang nasa barangay siya, titingnan niya ang mga gamot na kailangan kung saan nakahanda na ang isang libo o dalawang libo para sa nangangailangan.

Ikalima, sa araw ng kampanya na 45 days bago mag eleksyon o mas maaga pa diyan, nagpapakain na siya sa bahay ng mga supporters at mga lider niya magmula sa almusal, tanghalian, at hapunan.

Naka-badyet na ang mga pang gasolina at krudo ng mga sasakyang gagamitin niya at mga kasama para magsimulang makipagtalakayan sila sa mga tao sa barrio.



“Kailan naman kayo magsimula mamimili ng boto para sa ikapapanalo ninyo sa nalalapit na botohan?” tanong nitong writer.

“Depende sa kalaban mo. Kung nauna iyong kalaban na nagbigay doon ka rin mamigay ng pera”.

Hinihigitan niya ang presyo ng kanyang karibal sa bilihan ng boto kahit ito ay pampagana o first wave pa lamang.

“Kung nagbigay ang kalaban ng P200, magbigay ka sa taong nakatanggap ng P300,” aniya.

 Sa huling eleksyon na sinalihan ng pamilya nya, umabot ng dalawang libo kada botante ang pinakawalan nila ilang araw bago mag eleksyon.

Walang pinagkaiba ang bilihan ng boto sa Pangasinan kumpara sa ibang probinsya sa Pilipinas. Sa news report ng Rappler noong Abril 3, 2016 na may pamagat “The Many Ways of Buying Votes” ang bilihan ng boto kada botante sa Cagayan de Oro ay P1,000 habang sa Samar ay sa pagitan P5,000 hanggang P7,000.

 Sa Dagupan City noong May 2022 eleksyon umabot sa P4,000 ang bilihan kada botante at di pa kasali diyan ang binigay ng kandidato para alkalde sa first at second waves.

Nakapagtataka na sa pagiging laganap ng bilihan ng boto sa mga lugar na ito, wala man lang kahit isang akong nakita na nahuli at kinasuhan ng Commission on Election sa paglabag ng vote buying na merong parusang “not less than one year but not more than six years and shall not be subject to probation…” ((Section 264, Omnibus Election Code)

Ang sueldo ng alkalde sa isang first class town ngayon ay mahigit kumulang P100, 000 sa isang buwan o P3.9 milyon kada tatlong taon o isang term kasali ang 13th month pay diyan. Ang gastos ng isang pulitiko para manalo sa pagiging alkalde ay mahigit P50 milyon kung bumili siya ng tag P1,000 kada botante sa bayan na ang bumuto noong May 2022 eleksyon ay 51, 584 katao. Ito ay maging P41, 267, 000 pag binili lang ng kandidato dahil sa karaniwan na kalakaran ang 80 porsiyento ng 51, 584 na botante.

“Saan niyo kinuha iyang mga milyones na ibinibigay niyong halaga sa mga tao?” tanong ko.

Kumbinasyon daw sa kupit o s.o.p niya sa mga kontractors na gumagawa ng mga proyekto sa bayan niya, payola niya ng ilang sampu-sampung libong peso sa nagpapasugal ng illegal number games’ jueteng kada buwan, perya kung saan harap ito ng sugal na drop ball o pula-puti, at sariling pera niya galing sa mga negosyo ng pamilya niya.

Aniya ang bentahe nya sa mga alkalde na alanganin ang yaman sa pagsali sa maduming larong pulitika, siya’y hindi nakadepende sa “perks” at “priviliges” ng posisyon dahil may mga negosyo siya na pinagkukunan ng gastusin habang siya ay alkalde at pagdating ng eleksyon.

“Pagnatalo kami okay lang. May hanap buhay kami e. Hindi kami nagdedepende sa politics,” paliwanag niya.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento